Buwan ng Wikang Pambansa, matagumpay na ipinagdiwang
Bilang pagpapahalaga sa ating sariling wika, idinaos ng buong lupon ng paaralan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may tema sa taong ito na “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino”.
Layunin ng pagdiriwang ang patuluyang pagpapaunlad, pagpapayaman, at pagpapalaganap ng mga katutubong wika na makapag-aambag sa higit na kagalingan at kalinangang pambansa ng mga Filipino.
Pakakaisa ito ng Komisyon ng Wikang Pilipino (KWF) sa proklamasyon ng UNESCO ng 2019 International Year of Indigenous Languages (IYIL).
Sa buong buwan ng Agosto, iba’t-ibang uri ng patimpalak ang inilunsad ng mga guro sa Filipino at Ingles ang nilahukan ng mga mag-aaral mula ika-isa hanggang ika-labindalawang baitang ng mataas na paaralan. Ilan sa mga ito ay ang pagbigkas ng tula, madulang pagbasa, pagbigkas ng talumpati, dgliang pananalita, at sabayang bigkas.
Isang Makulay at magiliw na pangwakas na palatuntunan ang idinaos noong ika-30 ng Agosto. Ito ay sinimulan sa pamamagitan ng isang parada ng mga pambansang kasuotan at sinundan ng pagtatanghal ng iba’t-ibang pambansang kasuotan ng bawat antas ng mag-aaral mula Kinder hanggang High School, maging mga kaguru
Gayundin, ang bawat baitang ay nagbigay impormasyon sa rehiyong naatang sa kanila lalo’t higit ang kanilang salita at ilang pagkakakilanlan.
Bukod pa dito’y, taas noo ring nagtanghal ang mga mag-aaral na nagwagi sa iba’t-ibang tagisang ginanap. Mayroon ding mga natatanging bilang mula sa mga mag-aaral, magulang, guro, at kawani ng paaralan.
Ang pinakatampok ng palatuntunan ay ang pagpili ng apat na pares na pararangalan na pinakamahusay sa pagdadala ng Pilipinong kasuotan. Ang mga hurado ay punili ng Isang pares ng babae at lalaki mula sa kinder, sa elementarya, sa Junior High School, at sa Senior High School.
Itinanghal naman na Lakan at Lakanbini ng taong ito ang mga mag-aaral sa ika-labindalawang baitang na sina Bb. Rosselyn Agulto at Ginoong Christian Elviña dahil sa kanilang Pilipinong kaanyuan, kaakmaan ng kilos at gawi, tindig at tikas, at sa mahusay ng pagdadala ng kasuotan at ng sarili.
Ang pang-umagang bahagi ng programa ay winakasan sa salo-salo ng lahat para sa isang boodle fight na kung saan tampok ang mga kilalang paboritong pagkaing Pinoy tulad ng mga kakanin, dinuguan, tinapa, hipon, adobo, at iba pa.
Samantalang, sa hapon naman ay ginawa ang iba’t-ibang katutbong laro tulad ng pabitin, pukpok palayok, tumbang preso, patintero, at iba pa.
Ang taunang pagdiriwang na alinsunod sa alinsunod sa itinakdang Pampanguluhang Proklamasyon Big. 1041, s. 1997 ni Pangulong Fidel V. Ramos.