Menu

PNSB, Pormal na Binuksan ang Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025

A collage of six photos taken onstage at the Philippine National School for the Blind during a school program. Students dressed in traditional Filipino attire—such as barong, Filipiniana dresses, and formal wear—perform various musical numbers. • The top-left photo shows a group performing with a guitar and microphones. • The top-right photo features three students singing together, one holding a braille book. • The middle-left image shows a pair of students singing a duet. • The middle-right image captures a large group of students lined up onstage in coordinated barongs and Filipiniana outfits. • The bottom-left and bottom-right images show more group performances, with students of different ages standing confidently onstage. Behind them, the backdrop displays the school’s name and event decorations, creating a festive and formal program atmosphere.

– 05 Agosto 2025 –

Pasay City — Masiglang sinalubong ng Philippine National School for the Blind (PNSB) ang unang Lunes ng Agosto sa pamamagitan ng pambungad na programa para sa Buwan ng Wika 2025 na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.” Ginanap ang programa sa school covered court matapos ang flag ceremony, kung saan dumalo ang mga mag-aaral, guro, non-teaching staff, at mga magulang — karamihan ay nakasuot ng makukulay na kasuotang Pilipino.

 

Pormal na sinimulan ang programa sa pambungad na mensahe ni Mr. Ronald Manguiat, Master Teacher I, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng paggamit at pagpapayabong ng wikang Filipino at katutubong wika. Ang programa ay naging pagkakataon para sa lahat na ipakita ang kanilang kasuotang Pilipino. Isa-isang binigyang-pansin ang mga kalahok habang ipinapaliwanag nila ang disenyo at kasaysayan ng kanilang kasuotan, kaya’t ang simpleng pagrampa ay naging makabuluhang pagtalakay sa ating kultura.

 

Sa parehong araw, isinagawa rin ang panunumpa ng bagong halal na mga opisyal ng School Parent-Teacher Association (SPTA) na pinangunahan ng bagong Tagapangulo na si G. Edson Adorable. Pinangunahan ni Dr. Pablo ang panunumpa bilang pagsuporta sa opisyal na simula ng kanilang tungkulin. Bilang paunang ambag, naghandog ang GPTA ng Braille Bible Storybook — isang aklat na magagamit ng mga batang nagsisimula pa lamang magbasa sa Braille habang natututo ng mga kwento mula sa Bibliya.

 

Kasunod nito, inilahad ni Dr. Pablo ang kanyang kauna-unahang State of the School Address (SOSA) kung saan ibinahagi niya ang mga pangunahing tagumpay, hamon, at mga plano ng paaralan. Ayon sa ulat, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral, gayundin ang pagkakaroon ng learning materials—bagaman may kakulangan sa accessible formats, ito ay naaksyunan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng paaralan at mga katuwang mula sa pribadong sektor. Ipinagmalaki rin ang mga pagkilalang natanggap ng paaralan sa larangan ng sports, tulad ng mga medalya sa Palarong Pambansa at SNED Expo, pati na ang pagiging kampeon sa RAPID Math Assessment. Ipinahayag rin ni Dr. Pablo ang 100% completion rate ng mga mag-aaral, ang pagtaas ng reading levels, at ang suporta ng LGU sa mga proyekto sa sports, sining, at akademikong pag-unlad.

 

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Pablo na sa PNSB, ang mga mag-aaral ay hindi lamang tinuturuan na magbasa gamit ang Braille o gumamit ng baston; sila rin ay hinuhubog upang mangarap, manindigan, at magtagumpay. Aniya, “Habang patuloy nating binubuo ang isang inklusibo, makatarungan, at maunlad na paaralan para sa lahat, tangan natin ang paniniwala na kung saan nagtatapos ang paningin, doon nagsisimula ang tunay na hangarin.”

 

Isinara ang programa sa taos-pusong pasasalamat ni Gng. Janice Villaro, Administrative Officer IV, sa lahat ng masigasig na lumahok sa nasabing gawain, pati na rin sa lupon ng mga guro sa asignaturang Filipino sa pangunguna ni G. Reymart Abante para sa matagumpay na paglulunsad ng pagdiriwang. Hinikayat rin niya ang lahat na aktibong makibahagi sa iba pang mga nakahanay na aktibidad ngayong buwan, at muling pinatunayang ang kapansanan ay hindi kailanman hadlang sa talino, damdamin, at galing sa paggamit ng wika.